-- Advertisements --

NAGA CITY-Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Gumaca, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Fernando, 59 taong gulang, residente ng Brgy. Casasahan Ibaba ng nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, bandang alas-3:30 ng hapon aniya nang makatanggap ng tawag ang kanilang hepatura na may natagpuang bangkay sa isang bukid sa Brgy. Casasahan Ibaba.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bandang alas-2 ng hapon habang nasa bukid ang pamangkin ng biktima nang makita nito ang wala nang buhay na katawan ng kanyang tiyuhin na nakadapa.

Sa inisyal na pagsusuri ng mga awtoridad, may nakita aniya silang mga electric burns sa kanang braso ng biktima.

Pinaniniwalaan naman na namatay si alyas Fernando dahil tinaaman ito ng kidlat.

Ayon sa asawa ng biktima, umalis ito noong umagang iyon bandang alas-6 para magpastol ng mga hayop.

Wala namang nakita ang mga awtoridad na senyales ng foul play.

Sa ngayon ay dinala na ang bangkay ng biktima sa isang punerarya sa Gumaca, Quezon.