NAGA CITY – Plano umanong ipahukay ng Commission on Human Rights (CHR) ang bangkay ng punong barangay na napatay sa engkwentro noong nakaraang Nobyembre sa San Antonio, Milagros Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Erla Dalanon, asawa ni Kapitan Wolfert Dalanon na namatay sa umano’y engkwentro ng militar at mga rebeldeng grupo, iginiit nito na sibilyan sila at walang katotohanan na rebelde ang kanyang asawa.
Ayon kay Dalanon, nais niyang muling maimbestigahan ang nangyaring pagpatay sa kanyang asawa lalo na’t maliban umano sa nangyaring pagpatay dito, planted din aniya ang baril at ilang mga gamit na sinasabing narekober sa biktima.
Maliban dito, iginiit ng esposa na pinagnakawan pa sila ng gamit at pera ng mga tropa ng gobyerno.
Sa ngayon, base aniya CHR, planong ipahukay muli ang bangkay ng kanyang asawa sa buwan ng Enero sa susunod na taon para sa gagawing eksaminasyon bilang bahagi ng pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Kung maaalala, nitong nakaraang Nobyembre kan mapatay ang naturang Kapitan sa gitna ng engkwentro ng mga militar at New People’s Army sa naturang lugar.