-- Advertisements --

VIGAN CITY – Wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay ang isang lalake sa San Julian, Magsingal, Ilocos Sur na hinihinalang nakuryente.

Nakilala ang biktima na si Edison Padayao, 50-anyos, residente ng nasabing lugar.

Ayon kay PLt. Rodel Ragasa ng Magsingal Police Station, nakatanggap umano sila ng report na may natagpuang bangkay sa lugar na agad naman nilang nirespondehan.

Tumambad sakanila ang bangkay ng biktima na lapnos ang kanyang balat sa kamay habang namamaga naman ang ibang parte ng katawan nito.

July 14 umano nang huling nag-usap ang biktima at ng asawa nito na nasa bayan ng Sta. Maria.

Natagpuan sa loob ng kwarto kung saan naroon ang bangkay ng biktima ang sumabog na extension wire at ang sirang outlet.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pangyayari.