VIGAN CITY – Nailibing kaagad ang bangkay ng lalaking halos 3 linggong nawawala at natagpuang nasa “state of decomposition” na sa kabundukang bahagi ng Barangay Baringcucurong, Suyo, Ilocos Sur.
Ito ay base na rin sa rekomendasyon umano ng mga kinauukulan dahil hindi na maaaring lamayan pa ito ng pamilya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, kinilala ni Police Staff Sergeant Joseph Gallebo ng Suyo municipal police station ang biktima na si Reynaldo Aluad, 50-anyos na residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Gallebo, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kaniyang mga kapatid at mga pamangkin base umano sa dental structure, damit at tsinelas ng biktima.
February 3 nang nawala umano ang biktima ngunit February 6 lamang naireport sa mga kinauukulan hanggang sa kahapon ng hapon ay nakita na lamang ang bangkay nito na nakasabit sa Bugnay tree sa pamamagitan ng yellow nylon cord na nakatali sa kaniyang leeg.