BAGUIO CITY – Nakatakdang iuwi ngayong araw sa Datakan, Kapangan, Benguet ang bangkay ng lalaking natagpuan sa Circumferential Road, Lower Balacbac, Sto. Tomas Proper, Baguio City noong Oktubre 25.
Una nang nakilala ang biktima na si Erwin Caldito Tango, 28-anyos, walang trabaho, tubo at residente ng Kapangan, Benguet.
Batay sa report ng Baguio City Police Office Station 10, nakilala ang lalaki sa pamamgitan ng ina nitong si Jocelyn Caldito Tango, 48-anyos, guro at residente ng Purok 1, Pinsao Proper, Baguio City.
Positibong kinilala ng ina ang anak nito pagkatapos niyang makita ang larawan ng bangkay ng kanyang anak sa facebook page ng Bombo Radyo-Baguio at pagkatapos ay nagtungo ito sa punerarya para sa berepikasyon.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Ivan Caldito Tango, huli niyang nakita ang kanyang kapatid noong Oktubre 22 habang naglalakad ito sa kalsada sa La Trinidad, Benguet.
Sinabi naman ng ina na hindi niya nakita ang anak nitong si Erwin Tango mula sa ikalawang linggo ng Setyembre at huling komunikasyon nila noong Oktubre 21, 2020.
Ayon pa sa BCPO Station 10, hindi na isinailalim sa otopsiya ang bangkay pagkatapos lumagda ng waiver ang ina nito.