VIGAN CITY – Natagpuan na ang bangkay ng isang lalaking una nang naipaulat na nahulog sa sinakyan nitong bangkang pangisda noong Martes sa Brgy. Villamar, Caoayan, Ilocos Sur.
Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council- Santa na natanggap ng Bombo Radyo Vigan, nitong Miyerkules ng alas-10:41 ng umaga nila natagpuan ang bangkay ng biktimang si Carlito Servania, 25-anyos na taga- Casiber, Santa.
Base sa ulat, natagpuan umano ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa lugar kung saan ito posibleng nahulog.
Sa naunang panayam ng Bombo Radyo Vigan sa huling kasama ng biktima na si Sangguniang Bayan Member Reynold Queral, nahulog umano ang biktima nang biglang umandar ang kanilang sinakyang bangkang pangisda.
Nakita pa umano ng isa sa mga kasamahan ni Queral ang biktima na lumalangoy papalapit sa kanila hanggang sa unti-unti na itong lumubog sa tubig at hindi na lumutang pa.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue ang PARDAS-Caoayan Rescue Team at MDRRMC-Santa ngunit dahil na rin sa masamang lagay ng panahon at maruming tubig – dagat, naitigil ito at kaninang umaga na lamang naipagpatuloy hanggang sa nakita ang bangkay ng biktima.