KALIBO, Aklan — Isang 63 anyos na lolo ang natagpuang wala nang buhay at nilalapa ng alagang aso sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Pusiw, Numancia, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Jose Pallon Labos, 63, walang asawa at mag-isang naninirahan sa kanyang bahay.
Base sa report ng Numancia Police Station, dakong alas-6:00 ng umaga habang papasok sa bahay ang isang Andrea Calanao, pamangkin ng biktima upang maglinis ng kanyang bahay nang madatnan nitong nakahandusay ang kanyang lolo sa sahig sa bandang kusina at duguan ang ulo.
Agad nitong tinawag ang kanyang pamilya upang i-report sa pulis ang pangyayari.
Huling nakita ang biktima kagabi na umiinom ng alak sa kanyang bahay.
Wala namang nakitang sugat sa katawan ng biktima maliban sa mga kagat ng aso sa kanyang mukha.
Pinapaniwalaang inatake ito ng kanyang sakit sa puso.