-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang bangkay ng magkaibigan na nahukay mula sa gumuhong lupa na tumabon sa kanilang tinuluyang bahay sa Talop, Kinakin, Banaue, Ifugao, kahapon.

landslide Ifugao March 23

Nakilala ang mga ito na sina Emiliano Lupais, 40-anyos, at Ernesto Ceraos, 68, parehong residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Maj. Michael Dangilan, hepe ng Banaue Municipal Police Station, na posibleng gumuho ang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan doon na nagdulot ng paglambot ng lupa.

Ayon sa kanya, gawa sa light materials ang bahay kaya madali itong nasira na nagresulta para matabunan ng lupa ang natutulog na magkaibigan.

Natagpuan naman ng mga nagrespondeng pulis at bombero ang bangkay ng dalawang biktima sa isinagawa nilang search and retrieval operation.

Batay sa impormasyon, taong 1995 nang gumuho ang tinaguriang killer mountain na ikinasawi ng higit kumulang 15 katao.

Samantala, dahil din sa naranasang malakas na pag-ulan sa Ifugao nitong nakaraang tatlong araw ay naitala ang malaking pagguho ng lupa na sumira sa retaining wall na malapit sa Kinakin Elementary School sa Kinakin, Banaue.

Nasama sa pagguho ang sasakyan ng principal ng Banaue National High School.

Naitala pa ang ilang insidente ng pagguho ng lupa sa Banaue, Ifugao ngunit wala namang naireport na nasawi o nasaktan.