KORONADAL CITY- Naaagnas na nang matagpuan ang magpinsan na kapwa 4 na taong gulang matapos na maanod umano ng rumaragasang tubig sa isang sapa sa Brgy Paraiso, Koronadal City, apat na araw na ang nakalipas.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Brgy Paraiso kapitan Samuel Velarde, unang nakita ang bangkay ni Rhojay Dave Sabang sa sapa sa Prk Hechanova, ng nasabing barangay kung saan nakataob at natakpan ng mga kawayan ang bangkay nito.
Ayon kay Kapitan Velarde, natagpuan naman makalipas ang 3 oras ang bangkay ng isa pang biktima na si Raymond Awan sa Purok Sto. Niño sa parehong barangay.
Natabunan din umano ng lupa at punong kahoy ang bangkay nito.
Samantala, ipinahayag naman ni Brgy Paraiso Kagawad Moises Tenidor, laking tulong umano ang panghuhula ng pamangkin ng kanyang asawa na isang OFW upang makita ang mga biktima.
Ayon kay Kagawad Tenidor, nagpost umano sa social media na sana’y makakita sila ng senyales na makakapagturo sa mga bata dahilan upang tinawagan ito ng nasabing OFW na may dugo umanong Babaylan.
Itiniro umano nito sa pamamagitan ng videocall kung saan matatagpuan ang mga bangkay na bata at tumugma naman sa lugar kung saan narekober ang mga biktima.
Totoo man umano o nagkataon lamang, laking pasasalamat ng pamilya ng mga biktima sa nasabing OFW at rescue team dahil tuluyan nang nakita ang mga ito at mabibigyan na nang maayos na libing.
Napag-alaman na nagsanib pwersa ang Koronadal City at Tantangan Rescue Team, CDRRMO, PDRRMO, BFP Koronadal, Philippine Red Cross, PNP at mga barangay officials ng Brgy Paraiso upang mahanap ang mga biktima.