-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hawak na ngayon ng mga otoridad ang dalawang suspek na itinuturong gumahasa at pumatay sa isang menor de edad sa Purok 4, Lepaga, Mlang, Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni P/Lt Col. Realan Mamon, hepe ng Mlang PNP sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Col. Mamon ang biktima na si alyas Bai, 15 anyos, estudyante at residente ng Brgy. Gaunan, Mlang Cotabato.

Habang, ang mga suspek na nakakulong ngayon sa lock-up-cell ng Mlang PNP ang kinilala naman na sina Rogie Articonas Magallanes, 43 anyos, single, magsasaka na residente ng Purok 5, Barangay Lepaga at Nilo Belarmente Fortunato, 42 anyos,single, na residente naman ng Purok Kaunlaran, Bagontapay, M’lang, Cotabato.

Ayon sa opisyal, lumabas sa kanilang imbestigasyon na umalis ang biktima upang manguha ng gulay 200 metro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan ngunit hindi na umano nakabalik ang dalagita hanggang sa natagpuan ang bangkay nito alas 2:00 ng madaling araw.

Sa tulong ng ilang testigo, nakilala ang mga suspek dahil sa ang mga ito ang huling nakita bago pa man natagpuan ang bangkay ng bikitma.

Lumabas naman sa medico legal na may laceration sa maselang parte ng katawan ang biktima na palatandaan na ginahasa muna ito bago pinatay.
Sa ngayon, sinampahan na ng kasong rape with homicide ang mga suspek.