CAUAYAN CITY – Inaayos na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-uwi sa Agosto 20 ng bangkay ng apat na mga overseas Filipino workers (OFW) na namatay sa pagsabog sa Beirut, Lebanon kamakailan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na iuuwi ang bangkay ng apat na OFWs sa pamamagitan ng chartered flight.
Ayon kay Bello, umakyat na sa apat ang nasawi matapos na sumakabilang buhay ang isa pang malubhang nasugatan na si Milagros Sumaculob.
Kabilang sa mga nasawi ang tubong Benito Soliven, Isabela na si Perlita Mendoza.
Sinabi pa ni Bello na ang pamilya ng mga biktima ay mabibigyan ng P120,000 na bereavement benefits at kung mayroon silang Overseas Employment Certificate (OEC) ay mabibigyan sila ng dagdag na $10,000 sa benepisyo.
Ayon pa sa opisyal, posibleng isama sa chartered flight ang mga OFWs sa Lebanon na gusto nang umuwi.
Binanggit ng kalihim na ang 12 seafarers na tumalon mula sa isang cruise ship ay nasa maayos nang kalagayan.
Ang dalawa sa kanila na nagtamo ng malubhang sugat ay nasa ospital pa habang ang mga nakalabas na sa ospital ay tumuloy sa New Orient Hotel at inaasikaso ng pinaglilingkuran nilang kompanya.