BAGUIO CITY – Naiuwi na dito sa lungsod ng Baguio ang mga labi ng napaslang na Provincial Director ng Sulu Police Provincial Office na si PCol. Michael Bawayan Jr.
Isinakay sa isang private plane ang mga labi ng napaslang na opisyal, kasama ang pamilya at mga opisyal ng Sulu PPO.
Lumapag ang private plane sa Loakan Airport at matapos basbasan ay idineretso ang kabaong ni Col. Bawayan sa kanilang tahanan sa Brookside, Baguio City habang sumailalim sa triage ang pamilya nito.
Sa panayam naman kay PLt.Col. Almer Ismael, Deputy Provincial Director for Administration ng Sulu PPO, sinabi nito na hindi pa sila pwedeng maglabas ng anumang conclusion sa insidente at hihintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group.
Gayunman, ibinahagi niya na kasabay ng pag-inspeksion ni Col. Bawayan sa Quarantine Checkpoint sa pinangyarihan ng pamamaril ay isinabay ng Provincial Director na suriin ang mga personnel na nagbabantay doon.
Sinita aniya ni Col. Bawayan ang gunman na si PSSgt. Imran Jilah dahil sa hindi tamang pag-aayos, partikular sa buhok nito na nagresulta sa argumento ng dalawa at a pamamaril ni Jilah sa kanilang superior.
Sinabi pa ni Lt.Col. Ismael na wala naman siyang alam na alitan ng dalawa bago ang insidente.
Gayunman, ipinapasigurado niya na iimbestigahan nila ng mabuti ang insidente at hindi rin nila pababayaan ang pamilya ng dalawang pulis.
Samantala, nakatakdang ilibing sa Sabado, August 14 ang bangkay ni Col. Bawayan habang nagsimula na kahapon ang walong araw na pagluluksa ng Sagada, Mountain Province sa pagkamatay ni Col. Bawayan na tubo ng nasabing bayan.