BOMBO RADYO DAGUPAN — Wala ng buhay nang matagpuan ng mga awtoridad ang nalunod na isang lalaki sa lugsod ng San Carlos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Mc Kinley Mendoza, Public Information Officer ng San Carlos City Police Station, kinilala nito ang biktima na si Romnick Lazaga Vilda, 34-anyos, at residente ng Brgy. Quetegan sa bayan ng Urbiztondo.
Aniya na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagtungo ang biktima kasama ang walo nitong mga kamag-anak na pare-parehong residente ng Brgy. Guelew sa lungsod ng San Carlos upang mamangka sa ilog at mangisda sa nasabing lugar.
Ngunit habang nasa gitna sila ng ilog at nangingisda ay bigla na lamang tumaob ang sinasakyan nilang bangka na gawa sa kawayan. Bagamat naisalba nito ang iba niyang mga kasamahan na pawang lahat ay mga bata pabalik sa pampang, ay nalunod ang biktima dahilan naman upang masawi ito.
Bago narekober ang katawan ng biktima ay naipaulat munang nawawala ito kasunod ng kanyang pagkalunod.
Dagdag ni PLt. Mendoza ay malakas ang agos ng tubig sa ilog nang mangyari ang insidente, at dahil puro mga bata ang kasama ng biktima ay wala ring nagawa ang mga ito kundi lumapit at humingi ng tulong mula sa nmga awtoridad.
Malalim din aniya ang tubig sa ilog at ang sinakyang balsa ng biktima at mga kasamahan nito ay may kapasidad lamang para sa apat na katao.
Paalala naman nito sa publiko na ugaliin na mag-ingat at maging mapagmatyag sa paligid upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.