KALIBO, Aklan – Bangkay nang nahanap kaninang umaga ang isang mangingisda na nawawala mula Sabado ng gabi sa karagatang sakop ng Masbate at Capiz matapos banggain umano ng isang barko ang kanilang sinasakyang bangka.
Kinilala ang nakuhang bangkay na si Rex “Ricky” Peralta, 54, residente ng Barangay Bakhaw Norte, Kalibo, Aklan.
Noong Linggo ng umaga, tumulak ang taga MDRRMO Kalibo, Philippine Coast Guard at iba pang grupo ng mga rescuer para hanapin ang nawawalang mangingisda.
Nagpadala ng isa pang bangka para sunduin ang bangkay matapos itong makitang palutang-lutang sa bahagi ng karagatang sakop ng Sibuyan at Masbate na kalaunan ay dinagsa at narekober na sa karagatan ng Tangalan, Aklan.
Nabatid na nakaligtas ang dalawa nitong kasamahan na sina Gerald Retos at Leo Arilas, kapwa residente ng Sitio Pigado, Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo matapos masagip ng mga kapwa mangingisda na taga Roxas City at hinatid pauwi.
Pumalaot ang mga ito noong Mayo 8 sakay ng bangkang “John Ruel.”
Subalit madaling araw ng Linggo habang umaambon ay binangga umano ang mga ito ng isang barkong may kargang mga kahoy dahilan na naputol ang likurang bahagi ng bangka at tumaob.
Hinahanap at iniimbestigahan na ang nakabanggang barko ng PCG Regional Office.