KORONADAL CITY – Dumating na sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang bangkay ng isang OFW na namatay sa Kuwait matapos ang ilang araw na nasa “brain dead” condition ito sa isang ospital doon.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Ian Tugade De Leon, anak ng nasawi na si Emily Tugade De Leon na residente ng President Quirino, Sultan Kudarat at labing dalawang taon na nagtrabaho sa kanyang mga employer sa Kuwait.
Ayon kay Ian, dumating kanina pasado alas-10 ng umaga ang kahon na lulan ng kanyang ina sa General Santos City Airport at ibiniyahe nila ito papuntang Collado Funeral Parlor sa lungsod ng Tacurong.
Kasabay nito, emosyunal na nagpasalamat si Ian sa tulong na ibinigay ng Bombo Radyo Koronadal sa pag-follow up upang mapabilis ang pag-uwi ng bangkay ng kanyang ina sa bansa.
Napakasakit umano na hindi niya man lamang mayakap ang ina nito na 12 taong hindi nakauwi sa paninilbihan sa mga employer nito.
Sa ngayon problema pa ng pamilya ang gagastusin sa burol at pagpapalibing sa bangkay ng OFW dahil hindi na umano ito nakatanggap ng benepisyo mula sa kanyang employer at maging sa Agency.
Hindi rin buo na matatanggap nito ang insurance sa OWWA dahil sa hindi nito na-renew ang kanyang membership da tagal na hindi nakauwi sa bansa.
Matatandaan na nakaranas ng pananakit ng ulo at nagkaroon ng blood clot sa utak si Emily at isinailalim sa operasyon sa ospital sa Kuwait ngunit hindi nakasurvive at naging “brain dead” sa loob ng ilang araw bago tuluyang namatay.
Naranasan pa ng pamilya na ma-blackmail dahil nais ng ospital na ibenta ang ibang internal organs nito.