KORONADAL CITY – Nakatakda nang umuwi sa bansa ang bangkay ng isang OFW na namatay sa Kuwait matapos ang ilang araw na nasa “brain dead” condition ito sa isang ospital doon.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Ian Tugade De Leon, anak ng nasawi na si Emily Tugade De Leon na residente ng President Quirino, Sultan Kudarat at labing dalawang taon na nagtrabaho sa kanyang mga employer sa Kuwait.
Ayon kay Ian, nakatakdang dumating sa General Santos City Airport ang bangkay ng kanyang ina sa Abril 12, 2021.
Kasabay nito, emosyunal na nagpasalamat si Ian sa tulong na ibinigay ng Bombo Radyo Koronadal sa pag-follow up upang mapabilis ang pag-uwi ng bangkay ng kanyang ina sa bansa.
Matatandaan na sa loob ng 12 taon hindi man lang nakauwi sa bansa ang kanyang ina hanggat nakaranas ng pananakit ng ulo at nagkaroon ng blood clot sa utak.
Isinailalim pa ito sa operasyon sa ospital doon sa Kuwait ngunit hindi nakasurvive at naging “brain dead” sa loob ng ilang araw.
Naranasan pa ng pamilya na ma-blackmail dahil nais ng ospital na ibenta ang ibang internal organs nito.
Ngunit hindi pumayag ang pamilya kaya’t makakauwi na kumpleto ang bangkay ni Emily sa bansa sa darating na Lunes.
Ididiritso naman ito sa kanilang tahanan sa President Quirino.