CAUAYAN CITY – Darating ngayong araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang bangkay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Deserie Tagubasi na aksidenteng nabuhusan ng hydroflouric acid sa kanyang pinaglilingkurang electronics company sa Taiwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay regional director Luzviminda Tumaliuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2, sinabi niya na ibabiyahe ang labi ni Tagubasi patungo sa kanilang bahay sa Lullutan, Ilagan City.
Kasama sa mga uuwi ang kapatid ni Tagubasi na OFW din sa Taiwan gayundin ang isa pa niyang kapatid na nagtungo roon noong Setyembre 10, 2019 para tumulong sa pag-uwi sa labi ng kanilang kapatid.
Ayon pa kay Tumaliuan, nagbigay na ng tulong ang OWWA Region 2 sa pamilya ni Tagubasi at tumutulong din sila sa pag-uwi sa kanyang bangkay.