CAUAYAN CITY – Nagpipighati pa rin ang mga anak ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Kuwait na si Constancia Dayag matapos makita ang kanyang bangkay na dumating na kagabi sa Dalenat, Angadanan, Isabela.
Nakaselyo ang kabaong ni Constancia na nakaburol ngayon sa bahay ng kanyang biyenan sa Dalenat, Angadanan dahil nasa stage of decomposition na.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lovely Jane, anak ni Constancia na maitim at hindi na makilala ang mukha ng kanyang nanay kaya hindi sila naniniwala na natural cause ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Iginiit niya na lalaban sila para makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kanyang ina.
Nangako aniya ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na tututukan ang kaso ng pagkamatay ng kanyang ina sa Kuwait.
Kasama ang ilang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 sa paghahatid sa bangkay ni Constancia sa bahay ng kanyang biyenan.