KORONADAL CITY – Nakauwi na sa kanilang tahanan dito sa lungsod ng Koronadal ang bangkay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na tinulak ng isang Pakistani national na kasamahan nito sa trabaho at nahulog mula sa rooftop ng 4th floor building nang tinutuluyan nito sa Dubai.
Kinilala ang OFW na si Roy Demingoy, nasa legal na edad at residente ng Purok Bagong Silang, Barangay Sta. Cruz, Koronadal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lloyd Demingoy, kapatid ng biktima, noong Oktubre 4 nang makita ang bangkay ng kapatid nito na nahulog mula sa rooftop.
Lumabas sa imbestigasyon na itinulak ito ng isang Pakistani na hindi pinangalanan mula sa rooftop sa hindi malamang dahilan.
Inako naman umano ng Pakistani ang ginawang pagtulak sa OFW at ngayon ay naka-detain na ito sa Police station sa Dubai.
Napag-alaman na noong Setyembre 2016 nang pumunta sa Dubai si Roy bilang cleaner ngunit nitong taong 2021 lamang nagkaroon ng pagkakatapon na makalipat ito sa ibang kumpanya at naging mapalad na mapromote bilang assistant chef.
Sa ngayon, sumisigaw ng hustisya ang pamilya Demingoy at hiling ang tulong ng gobyerno.