-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Emosyonal na sinalubong ng pamilya ng Pinay worker na namatay sa Taiwan ang bangkay nito makaraang dumating na nitong araw sa bansa.

Dumating ang labi ni Deserie Tagusabi pasado alas-8:00 nitong umaga sa Cauayan City Domestic Airport.

Kasama ng pamilya Tagusabi na sumalubong ang regional officers ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Cagayan Valley para mag-abot ng suporta sa naulilang kaanak.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng kapatid ni Deserie na si Darwin, na naka-schedule na sanang umuwi ng Pilipinas ngayong buwan ang Pinay kasabay ng pagtatapos ng tatlong taong kontrata sa pinagta-trabahuang electronics company.

Batay sa ulat, nabuhusan ng hydroflouric acid, isang delikadong kemikal, ang 29-anyos na Pinay habang nasa gitna ng trabaho nito.

Mula Cauayan City Domestic Airport, idiniretso ang bangkay ni Deserie sa isang punerarya sa Ilagan City pagkatapos ay dadalhin na sa kanilang bahay saBrgy. Lullutan.