VIGAN CITY – Iuuwi na sa lalawigan ng Ilocos Sur, partikular na sa Barangay Quimmarayan, Bantay ang bangkay ng Overseas Filipino Worker na namatay sa Saudi Arabia dahil sa brain aneurysm.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Romella Bayatin, chief nurse sa Dammam, Saudi Arabia na isa sa mga nakaugnayan ng Bombo Radyo para mai-uwi ang bangkay ng OFW na si Maribel Patubo sa lalawigan, una munang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport ang eroplano kung saan isinakay ang labi ni Patubo.
Pagkatapos nito, muli itong ibibiyahe patungong Laoag International Airport sa Ilocos Norte at doon na susunduin ng kaniyang pamilya.
Labis naman ang pasasalamat ng asawa ng nasabing OFW na si Joseph sa Bombo Radyo, pati na kay Bayatin, Department of Foreign Affairs, Overseas Workers’ Welfare Administration at iba pang tumulong sa kanila upang mai-uwi na ang bangkay ng kaniyang asawa.
Nitong nakaraang buwan lamang pumanaw ang nasabing OFW matapos ang ilang araw na pagka-comatose nito nang maoperahan dahil sa nasabing sakit.