VIGAN CITY – Ipinagbigay-alam ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang malagim na sinapit ng isang kasamahan nilang namamasukan sa nasabing bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bombo international correspondent Marilou Cabotaje na anim na taon nang nasa Saudi bilang OFW na taga-Aquib, Narvacan, na mayroon itong kaibigan na nagtatanong kung paano magpadala ng bangkay sa Pilipinas.
Tinanong daw ni Cabotaje ang layunin ng kaniyang kaibigan hanggang sa sinabi nito sa kaniya na mayroon siyang kaibigang Egyptian national na nagpapatanong nito sa kaniya.
Ang dayuhan aniya ang kaibigan ng amo ng biktimang si Rahima Kamungit Amir na taga-Kabuntalan, Maguindanao.
Sinasabing nais ng amo ni Amir na ipadala sa bansa ang labi nito ngunit walang nabanggit kung bakit ito namatay.
Sa ngayon maliban sa Bombo Radyo, nakikipag-uganayan na si Cabotaje at ang kaibigan nito sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia upang maimbestigahan ang nangyari sa biktima.