VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng pamilya ng isang senior citizen na walang foul play sa pagkamatay nito matapos matagpuan ang kaniyang bangkay sa ilalim ng tulay sa Barangay Palali Sur, Sta. Lucia, Ilocos Sur .
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Leonilo Ancheta, hepe ng Sta. Lucia municipal police station, napag-alaman na pauwi na kagabi ang biktimang si Adriano Guerrero, 70 –anyos, sakay ng kaniyang bisikleta nang pinaniniwalaang mahulog ito sa tulay sa kanilang lugar at nitong Miyerkules lamang ng umaga na lamang natagpuan ang bangkay nito.
Maaaring hindi umano napansin ni Guerrero na nasa gilid na ito ng tulay dahil walang ilaw sa lugar at wala pang concrete barrier ang nasabing tulay.
Napag-alaman din na bago mangyari ang insidente ay nakipag-inuman ang biktima sa mga kapuwa nito dumalo sa birthday ng kaniyang apo kaya maaaring dahil na rin sa kalasingan ay nahulog ito sa tulay na siyang sanhi ng kaniyang kamatayan.