-- Advertisements --

LA UNION – Iniuwi na ang bangkay ng student pilot na namatay sa pagbagsak ng sinakyang trainer aircraft kahapon sa karagatan na sakop ng Barangay Wenceslao, Caba, La Union.

Sa pinakahuling impormasyon na natanggap ng Bombo Radyo La Union, iniuwi na ang bangkay ng biktimang student pilot na si Mark Irvin Marcelo Sabile, 26, sa Apalit, Pampanga.

Ito’y sa pamamagitan ng tulong ng mga kinauukulan.

Kahapon ay nabulabog ang mga mangingisda habang kumakain at ang iba ay nagpapahinga sa tabing dagat nang makita ang eroplano na pagiwang-giwang sa himpapawid hanggang sa bumulusok at bumagsak sa karagatan, kasunod ang narinig na malakas na pagsabog.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union sa magkapatid na mangingisda at bantay dagat na sina Claudio at Jerry Tresinio, agad silang rumesponde nang makita ang nangyari sa aircraft.

Tinatayang 15 hanggang 20 mga mangingisda sakay ng kani-kanilang bangka ang agad rumesponde at 10 minuto ang itinakbo mula sa tabing dagat hanggang sa pinangyarihan ng insidente.

Agad nilang kinuha ang katawan ng student pilot dahil nakalutang ito at nakasuot ng life vest.

Habang isinasakay sa bangka ni Jerry Trisinio ang biktima, napansin nila na hindi na humihinga si Sabile at nakita ang maraming sugat sa katawan nito dahil sa lakas ng impact ng pagsabog.

At sa lakas ng pagsabog, total wreck ang nangyari sa sasakyang panghimpapawid.

Sa ngayon, inaalam pa ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing trainer aircraft.

Base sa impormasyon, ang trainer aircraft na pag-aari ng First Aviation Academy sa Subic, Zambales ay nanggaling sa Iba Airport, nagtungo sa La Union at dadaan pa sana sa Lingayen Airport, bago bumalik sa Iba nang mangyari ang pagbagsak nito.