KORONADAL CITY – Tila binagsakan ng langit at lupa ang pamilya Bustamante matapos dumating na at nakita ang bangkay ng kanilang kaanak na isa sa mga sundalong nasawi sa ambush sa lungsod ng Himamaylan, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Janjan Bustamante, kapatid ng napatay na si Pfc. Carl Venice Bustamante, labis ang sakit na kanilang nararamdaman hanggang sa ngayon matapos inihatid si PFC Bustamante sa kanilang bahay noong araw ng Martes.
Inihayag rin nitong nakatanggap na rin sila ng tulong mula sa local government unit ng Surallah at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Samantala nakatakda naman ang libing nito sa Mayo 8 sa isang pribadong sementeryo sa naturang bayan na dadaluhan lamang ng ilang mga malalapit na mga kaanak bilang pagsunod sa patakaran ng lockdown sa lalawigan ng South Cotabato.
Panawagan pa rin nito na sana’y makamit na ang hustisya na kanilang inaasam sa malungkot na sinapit ni PFC Bustamante.
Pabor din ang pamilya sakali umanong ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law.