BUTUAN CITY – Isinalaysay ni Capt. Omar Quilaton, spokesperson ng 9Th Field Artillery Battalion, Philippine Army ang naganap na pamamaril sa loob ng kanilang headquarters na nakabase sa Patikul, Sulu kung saan tatlong mga opisyal ng militar ang napatay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Capt. Quilaton, sinabi nito na bandang alas-11:50 ng gabi noong Biyernes nang makita ni 1Lt. Ryan Lamoste na taga-Butuan City si Corporal Jack Indac na nakainom at tinadyakan ang kasamang sundalo na private.
Naging dahilan ito kaya sinita ang opisyal at pinagsabihang papalitan ito sa kaniyang pag-duty upang ito ay makatulog.
Ngunit ikinagalit ito ni Indac kung saan hindi sinunod ang utos ng opisyal.
Dito na tumawag si 1Lt. Lamoste sa kanilang executive officer na si Major Rael Gabot at isinumbong ang pangyayari.
Ngunit ng lumapit na si Major Gabot at 1Lt Lamoste, pinagbabaril sila ni Corporal Indac gamit ang issued firearms na R4 kung saan halos maubos ang isang magazine sa pamamaril nito.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang dalawang opisyal na naging dahilan sa kanilang agarang kamatayan.
Ayon kay Capt. Quilaton, noong mga sandaling iyon ay wala nang pumipigil sa pag-aamok ni Indac hanggang may nakaresponde na ibang unit at doon na binaril ang suspek.
Una nang nakarating sa lungsod ng Butuan ang bangkay ni 1lt. Lamoste.