Isasailalim pa sa autopsiya ang bangkay ng convicted rapist and murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez matapos na ito ay pumanaw sa kaniyang selda.
Sinabi ni Bureau of Correction (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclang na ang nasabing proseso ay para malaman na walang anumang foul play sa pagkamatay ng kontrobersiyal na dating alkalde.
Huling nakitang buhay ang 72-anyos na si Sanchez pasado alas-diyes ng gabi ng Biyernes habang inaayos nito ang kaniyang higaan.
Natagpuan na lamang ng kaniyang kasama sa selda na wala na itong buhay pasado alas-7 ng umaga ng Sabado.
Agad na rin na ipinaalam sa mga malapit na kaaanak ni Sanchez ang kaniyang pagpanaw.
Magugunitang noong 1995 ng mahatulang makulong ng habambuhay si Sanchez at mga kasamahan nito dahil sa pagpatay at panggagahasa sa biktimang si Eileen Sarmenta at nobyo nitong si Allan Gomez ng University of the Philippines sa Los Banos.
Naging kontrobersiyal din ito ng mapasama sa listahan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na binibigyan ito ng pagkakataon na makalaya kasama ang 11,000 mga persons deprived of liberty.
Matapos na batikusin ang pagkakasali ni Sanchez sa GCTA ay agad na nagsagawa ng pag-aaral ang Department of Justice at bumalangkas sila ng bagong panuntunan kung saan hindi na isinama pa si Sanchez.
Dahil rin sa kontrobersiyal na GCTA ay natanggal noon si dating BuCor chief Nicanor Faeldon na pinalitan ngayon ni Gerald Bantag.