-- Advertisements --

Nailibing na ngayong araw ang mga labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na si Jenny Alvarado ngayong linggo sa Forest Lawn Memorial Park, Rodriguez probinsiya ng Rizal.

Dinaluhan ng mga naulilang pamilya, mga anak at kaibigan kasama na rin ang ilang grupo ng mga OFW’s ang naging libing ni Alvarado.

Dumalo rin si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac para magpakita ng pakikiramay sa pamilya ni Alvarado.

Dagdag pa dito ay nagpaabot na rin ng tulong ang ahensya sa pamamagitan ng burial assistance sa pamilya ng biktima at karagdagang suporta at tulong para sa kanilang kabuhayan, trabaho at edukasyon.

Ayon naman sa DMW, kinokonsidera na ng kanilang pamunuan ang pagsususpinde ng migrant worker employment sa Kuwait matapos ang naging pagkamatay ni Alvarado at ng ilan pang mga inisdente na kinabibilangan ng mga OFW’s.

Samantala, kaugnay naman nito ay magpapatupad na ng screening tests gaya ng psychological screening sa mga employer upang malaman kung pasok sa mga kwalipikasyon ang mga ito bilang amo ng mga OFW.