Nagsagawa na ng otopsiya ang National Bureau of Investigation sa mga labi ng overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara na walang awang pinaslang sa Kuwait.
Kasunod ito ng pagdating ng mga labi ni Ranara sa Pilipinas noong Biyernes, Enero 27, 2023 mula sa nasabing bansa.
Sa ulat, Sabado, Enero 28, 2023, ng umaga dumating ang NBI forensic team sa isang punenarya sa Bacoor, Cavite kung saan idineretso ang katawan ng biktima upang maisalalim sa otopsiya ng nasabing bureau na alinsunod na rin sa kahilingan at kapanatagan ng kaniyang pamilya.
Dito ay sinuring maigi ng mga eksperto ang bawat external at internal injuries na tinamo ni Jullebee upang malaman kung ano talaga ang naging sanhi ng kaniyang kamatayan.
Samantala, inaasahang lalabas ang resulta ng histopathology at general toxicology examinations na isinagawa sa katawan ng biktima sa loob ng dalawang linggo.
Ayon kay OWWA administrator Arnel Ignacio, Enero 29, 2023 sisimulan ang burol nito sa Las Piñas City na magtatagal din ng dalawang linggo.
Kung maaalala, tumanggi munang humarap sa publiko ang naiwang pamilya ng biktima bilang bahagi ng kanilang kahilingang “privacy” upang sila ay mabigyan ng pagkakataon na makapagluksa para sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.