CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang ilang mga sibilyan sa nangyaring bakbakan ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala naman ang nasawi na si Kusain Dalimbang na residente ng Brgy Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Mamasapano Maguindanao information officer Maceda Abdillah na nagkasagupa ang grupo nila Kumander Salik Tekok at Kumander Ustadz Gani Guiaman na pawang mga tauhan ng 118th Base Command (BC) ng MILF sa Brgy Tukanalipao.
Dahil sa tindi ng palitan ng putok sa magkabilang panig ay lumikas ang mga sibilyan sa takot na maipit sa gulo.
Masaklap rin ang inabot ng bangkay ni Dalimbang na tauhan ni Kumander Salik Tekok dahil binuhusan ito ng gasolina ng grupo ni Kumander Ustadz Gani Guiaman at sinilaban.
Umapela si Abdillah sa provincial government ng Maguindanao at BARMM na agad umaksyon para mapahupa ang alitan ng dalawang grupo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang kalat-kalat na palitan ng bala sa magkabilang panig sa bayan ng Mamasapano.