-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tinatayang P1.3 million na cash ang natangay ng mga magnanakaw na nanloob sa Rural Bank of Ilog – Hinobaan Branch sa Barangay 1, Hinobaan, Negros Occidental.

Sa interview ng Bombo Radyo kay Lt. Jayme Dequillo, deputy chief ng Hinobaan Municipal Police Station, nalaman na lamang ng bookkeeper na pinasok ng mga magnanakaw ang bangko alas-7:30 kahapon ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, walang forcible entry sa bangko dahil bukas ang sliding window at mabilis lang na napatay ng mga suspect ang alarm system at ang closed-circuit television.

Alam din ng mga suspect ang number combination ng vault.

Ayon kay Dequillo, nag-iimbestiga na rin ang mga miyembro ng Scene of the Crime Operation (SOCO) at tinitingnan na ang posibilidad na magsagawa ng forensic examination katulad ng fingerprinting sa mga empleyado.

Sa ngayon, hindi pa matukoy kung ilan ang bilang ng mga suspect dahil naka-off ang CCTV camera.

Sinabi ng deputy chief of police, hindi pa matutukoy kung anong oras nangyari ang krimen ngunit tinitingnan na ito ay naganap ng gabi.