-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nasa Albay ang 16-man delegation ng bansang Bangladesh sa pangunguna ng anak ni Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina.

Sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pakay umano ni Saima Hossain kasama ang grupo na malaman ang mga best practices ng lalawigan sa pagpapatupad ng disaster, social at health management programs.

Ayon kay Daep, isinailalim sa briefing ang mga ito sa kung papano aaksyon sa mga panahon ng bagyo, pagputok ng bulkan at iba pang natural na kalamidad lalo na’t consistent recipient ang Albay ng award sa disaster preparedness para sa “zero-casualty” goal.

Interesado rin umano ang mga ito sa indigenous at scientific warning system ng Albay na nakatuon sa mga posibleng maapektuhan kaysa sa mga responders.

Nabatid na problema sa naturang bansa ang malaking pagbaha mula sa umaapaw na Mekong River na dumadaan sa anim pang bansa mula sa China hanggang Cambodia.