-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Inaalam na ng pulisya kung may koneksyon sa Anzar Al Khilaffa Philippines (AKP) ang pagtatago ng isang Bangladeshi national sa isang bayan sa Sarangani.

Ito ay matapos hulihin sa pinag-isang pwersa ng pulisya si Muhammad Kamal Siddique, 51, residente ng Lumatil, Maasim Sarangani.

Ayon kay Police Major Romeo Calamba ng Maasim Municipal Police Station, nahuli ang suspek kasama ang maybahay nito na si Jamela Sayed at mga anak.

Dagdag pa ng opisyal, dumating sa presinto si IO2 Joyce Kandice Villaraza, Allien control officer ng Bureau of Immigration Sarangani para hulihin ang nasabing dayuhan.

Nalaman na sa nasabing bayan nag-operate si Muhammad Tokboy Maguid, lider ng Anzar Khilaffa Philippines na napatay sa encounter.

Nilabag umano ng nasabing Bangladeshi ang Immigration Law matapos pumasok ng bansa noong Pebrero 7, 2015.

Wala namang hawak na dokumento ang suspek maliban sa kanyang Bangladeshi passport.