-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Todo bantay ngayon ang Bangsamoro Government sa mga pangunahing bilihin sa rehiyon kasabay ng health crisis sa bansa.

Bumuo ang Ministry of Trade Investments and Tourism (MTIT BARMM) ng isang pangkat na siyang magsisilbing tagasubaybay sa lahat ng presyo ng mga basic goods at iba pang medical supplies sa Bangsamoro sa gitna ng banta Coronavirus Disease (Covid 19).

Sinabi ni MTIT BARMM Minister Abuamri Taddik na ang binuong grupo ay maglilibot sa mga palengke ng limang probinsya na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Linggo-linggo ay magbibigay ng ulat ang binuong grupo sa tanggapan ng MTIT hinggil sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

May mananagot sa batas kung may mahuhuling nagtaas ng presyo kasunod ng deklarasyon ng Public Health Emergency sa bansa.

Naglabas din ang pamunuan ng MTIT ng isang memorandum order sa lahat ng provincial offices at directors upang ipaalam sa publiko ang Anti-Hoarding at Anti Panic Buying alinsunod sa Memorandum Circular No. 20-07.