Pormal ng inilipat ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang P25 million na public market sa bayan ng Upi, Maguindanao del Norte.
Ang naturang paglipat ng public market ay nagtakda ng hakbang para sa pagpapalakas ng ekonomiya ng lokal na pamahalaan.
Ang public market ay bahagi ng Bangsamoro Local Economic Enterprise Services initiative na layong tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng kanilang Local Economic Code.
Ito ay magsisilbing isang sentro para sa mga aktibidad pang-ekonomiya at mga oportunidad sa kabuhayan, upang suportahan ang maliliit na negosyo at itaguyod ang sustainable development.
Samantala pinuri naman ni Mayor Ma. Rona Cristina Piang-Flores ng Upi ang proyekto at tinawag niyang isang mahalagang salik sa pag-unlad ng bayan na may karamihang populasyon ng mga Katutubo.
Pinangunahan ni Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, Interior Minister ng BARMM, ang seremonya ng paglilipat ng public market na dinaluhan ng mga lokal na opisyal. Ipinahayag din ni Mayor Flores ang pag-asa na magiging sentro ng kalakalan at ekonomiya ang bagong pamilihan sa bayan.
Binigyang-diin ni Interior Minister Alba ang kahalagahan ng pamilihan sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya aniya ito ang inaasam ng BARMM upang pagtibayin ang katatagan ng ekonomiya sa mga LGU sa pamamagitan ng pagbibigay ng imprastruktura at suporta para sa maliliit na negosyante.