COTABATO CITY – Naging mainit ang pagsalubong ng mga Bangsamoro kay Department of Health OIC Dr. Maria Rosario Vergeire at Undersecretary of Health Dr. Abdullah Dumama Jr. nitong araw ng Huwebes, sa Bangsamoro Goverment Center sa Cotabato City kasabay ng Special Vaccination Day ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para sa mga adult at mga bata bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na magkaroon ng 100 Days Vaccination.
Layon ng kanilang pagbisita sa rehiyon ay upang maipakita sa Bangsamoro ang suporta nito sa paglaban sa COVID-19 virus.
Sa naging mensahe ni Dr. Vergeire, sinabi nito simula pa nitong Abril hanggang sa kasalukuyan ang Bangsamoro Region ay patuloy na tumataas ang vaccination rate kumpara sa ibang rehiyon ng bansa. Dagdag pa nito na ang BARMM ang pinakaunang pinuntahan nila para sa “Pinas, Lakas” Vaccination campaign ng Department of Health.
“Nakita natin na simula ng Enero nang taon na ito, halos lahat ng rehiyon dito sa ating bansa (ay) nagpaplaton ang mga numbero sa pagbabakuna, pero ang BARMM simula noong Abril hanggang sa ngayon, siya ‘yong patuloy na tumataas na antas ng pagbabakuna dito sa kanilang lugar. This is a great effort coming from BARMM para magkaroon ng inspirasyon ang ibang region para magtuloy-tuloy tayo ng pagbabakuna. So sabi namin ang unang-una (na) pupuntahan natin para dito sa ating “Pinas, Lakas” na vaccination campaign ay BARMM. Gusto natin na e-grab ‘yong opportunity dahil alam natin (na) mataas ang motibasyon, mataas ang interes ng mga tao sa bakuna at maganda ang mga estratehiya, kaya pupunta tayo sa BARMM para tulungan pa natin sila to further expand vaccination coverage here in BARMM.” Ani Vergeire.
Samantala, nananawagan si OIC Vergeire sa mamamayan ng BARMM na magpabakuna na at makilahok sa muling pagbubukas ng Special Vaccination Days sa rehiyon.
Ikinagagalak naman ni Vergeire na dumadami na rin ang mga gustong magpa vaccine at kumukonti na rin ang mga naitatalang bagong kaso ng naturang virus.