CAGAYAN DE ORO CITY – Nagbalik tanaw ang dating hostage victim at survivor na Fr. Chito Suganob sa naging kalagayan nito habang hawak ng grupong Maute-ISIS sa Marawi City.
Ito ay kahit ginunita ni Suganob, kasama ang kanyang mga mahal sa buhay sa Surallah, South Cotabato, ang pagkaroon nito ng pagkakataon na mabuhay pa mula sa sinuong nitong panganib noong sumiklab ang engkuwentro sa Marawi eksaktong dalawang taon na ang nakalilipas.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Suganob na kura paroko ng St. Mary’s Cathedral na hindi madali para sa kanya na makalimutan ang masamang alaala at karanasan nang mapasama ito sa mga dinukot ng mga terorista noong Mayo 23, 2017.
Inihayag ng pari matapos sila na madukot ng mga terorista sa unang araw ng digmaan, tanging 1% na lamang daw ang natira sa kanilang pag-asa na uuwi silang buhay.
Ayon pa sa pari, patuloy siyang binabangungot ng karanasan kung saan tila nakipagpatintero pa raw ito sa puwersa ng gobyerno bilang bihag ng mga terorista sa loob ng apat na buwan.
Dagdag pa nito, hindi madaling kalimutan ang masalimuot na bahagi ng kasaysayan.
Kung maaalala, kasama ni Suganob ang limang opisyal ng simbahan na binihag ng Maute-ISIS group mula Mayo hanggang Oktubre 2017.
Samantala, kabilang sa nanguna si Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) Sec. Carlito Galvez sa paggunita ng ikalawang taon ng Maraw Siege ngayong araw.