Ilang oras bago ang Inauguration ni President-elect Joe Biden, inilabas na ni outgoing US President Donald Trump ang mahabang listahan para sa kaniyang bibigyan ng pardon at commutations bago iwan ang White House.
Nasa 73 ang binigyan ng pardon ng Republican President habang 70 naman ang isinailalim sa commutations ilang oras bago mag-take oath si Biden.
Kabilang sa naging recipients at binigyan ng pardon ay ang kontrobersiyal na si former White House adviser Steve Bannon.
Si Bannon ay inakusahan na nanloko sa mga donors online fundraising campaign para sa “We Build the Wall project.
Sinasabing si Bannon ay tumulong bilang strategist sa panalo ni Trump noong 2016 elections.
Ang ilan pang kontrobersiyal na ginawaran ni Trump ng pardon ay ang rapper na si Lil Wayne na nasangkot sa gun possession sa Miami, rapper Kodak Black na nag-plead guilty noon sa kanyang kaso at si dating Detroit Mayor Kwame Kilpatrick.
Hindi naman inaasahan na magtatangka si Trump na mag-isyu ng para sa kanyang sarili o mga miyembro ng pamilya ng pre-emptive pardon.
Binigyan din ng pardon ni Trump sina Todd Boulanger, Abel Holtz, Arizona Representative Rick Renzi, former National Security Adviser Michael Flynn, former adviser Roger Stone at former campaign manager Paul Manafort.
Nauna nang sinabi ni Trump sa kaniyang farewell message na gusto niyang maging pantay-pantay ang lahat ng mamamayan ng Amerika sa pagkamit ng dangal, respeto at karapatan. (with report from Bombo Jane Buna)