Nadagdagan pa ang mga bansa sa iba’t ibang dako ng mundo na nakapagtala na rin ng mga kaso ng Wuhan coronavirus.
▶‘Maling impormasyon ukol sa Wuhan virus, mas mabilis kumalat’
▶‘Wuhan, China, mistula nang ‘ghost town,’ malungkot ang pagsalubong ng Chinese New Year’
Sa latest na impormasyon, pinakabagong nadagdag ang mga bansang Australia, Malaysia at Nepal na kinumpirma na rin ang mga unang kaso ng naturang misteryosong sakit.
Narito ang mga bansa at syudad na merong bilang ng mga pasyente na kinapitan ng Wuhan o novel coronavirus: Hong Kong at Thailand may tig-5 kaso, Australia may 4 na kaso; France, Japan, Malaysia, Singapore at Taiwan pawang mga tig-tatlong kaso; Macao, South Korea, US at Vietnam nagtala na rin ng tig-dalawa, habang ang Nepal ay merong isa.
Samantala, nitong hapon lamang ang Hong Kong Disease contingency plan ay itinaas pa sa “serious” to “emergency” level.
Ang hakbang ay inanunsyo ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam sa isang press conference bunsod na rin sa paglala ng pangamba.
Bago ito ay napaulat na ilang lugar sa Hong Kong ay nagkaubusan ng face masks makaraang mag-panic ang ilang mga residente.
Kinansela na rin ang pasok ng mga estudyante hanggang February 17.
Samantala batay naman sa latest data umaabot na sa 1,396 cases ang kinapitan ng deadly disease na Wuhan coronavirus, kung saan nasa 42 na ang nasawi kabilang na ang isang doktor na kasama sa nanguna sa paggamot sa ilang pasyente sa epicenter ng outbreak ng naturang virus.
Sa mainland China lamang nasa 1,359 na ang mga kumpirmadong kaso.
Karamihan naman sa mga namatay ay mula sa Hubei province kung saan ang capital ay ang Wuhan na may 11 million ang popolasyon.
Tinataya naman na aabot sa mahigit 57 million katao ang apektado nang ipinatupad na lockdown sa 15 mga siyudad na lahat ay nasa Hubei.
Partikular na naapektuhan sa lockdown ay ang paggamit ng transportasyon.
Samantala, puspusan ang pagmamadali ngayon ng pamahalaan ng China na maitayo kaagad sa loob ng 10 araw ang espesyal na ospital na eksklusibong tutugon sa mga pasyente na kinapitan ng novel coronavirus.
Ang pasilidad ay inaasahang magagamit na sa February 3 upang punan ang shortage ng hospitals.
Napakarami ngayon ng mga excavators, bulldozers at mga trucks, kasama ang mahigit 50 mga trabahante ang tulong-tulong sa pagbuo ng ospital.
Napakahaba na rin ng pila ng mga trucks na karga ang iba’t ibang magiging parte ng ospital na pre-fabricated.
Ang magiging kapasidad ng ospital ay aabot sa 1,000 beds kung saan may lawak ang lupain na 25,000 square meter.
Magiging model ng bagong ospital ang ginawa rin noong taong 2003 nang magkaroon din ng outbreak ng Sars o Severe Acute Respiratory Syndrome kung saan umabot sa 349 katao ang namatay sa mainland China habang nasa 299 naman ang naitala sa Hong Kong.
Una rito, may 10,000 mga medical staff sa main hospitals sa Wuhan ang hindi na maasikaso ang ibang mga pasynete dahil sa damai ng mga isinusugod.
Marami sa mga ito ang ilang araw na ring hindi nakikita ang mga kamag-anak at dagdag pa ang shortage ng mga supplies.
May kumalat pa na mga video sa internet na may ilang pasyente ang namamatay na lamang sa haba ng pila sa ospital.
May tents din na inilagay sa labas ng mga ospital.