Isinama na rin ng Philippine government ang Portugal sa Red List o mga bansang nasa high risk ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection epektibo sa Linggo, Disyembre 12.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ito ay sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force Resolution 153.
Nakasaad dito na puwede pang pumasok ang mga travelers mula sa Portugal bago ang Disyembre 15 basta’t papayag ang mga itong sumailalim sa quarantine protocols para sa mga Filipino travelers na sakay ng repatriation flights mula sa mga Red List countries.
Ibig sabihin, ang mga travelers mula sa Portugal na darating sa bansa bago ang Disyembre 15 ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha sa loob ng 72 oras bago ang kanilang pagdating sa bansa.
Subject din ang mga ito sa facility-based quarantine at RT-PCR test sa ika-pitong araw ng kanilang quarantine.
Kapag nagnegatibo naman sa RT-PCR test kailangan pang kumpletuhin ng naturang pasahero ang mandatory 14-day quarantine pagdating sa kanilang bahay.
Pagsapit naman ng Disyembre 15, ang mga travelers mula Portugal at lahat ng mga bansang nasa Red List countries ay hindi na papayagang makapasok sa Pilipinas maliban na lamang ang mga Filipino travelers na lulan ng repatriation flights.
Kung maalala, naghigpit na rin ang iba’t ibang bansa ng kanilang mga borders matapos ang pagkakadiskubre ng bagong coronavirus variant na Omicron na unang na-detect sa South Africa.