Kinondena ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang babala ng China na aarestuhin at ikukulong ang mga dayuhan na mamamataan sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa pinuno ng Kamara, ang naturang pahayag ng China ay nagpapalubha lamang ng tensyon at labag din sa international law at mga nakalatag na patakaran na sinusunod ng Pilipinas at iba pang bansa na may inaangkin ding teritoryo sa naturang bahagi ng karagatan.
Giit nito ipaglalaban ng Kamara ang ating soberenya at karapatan ng mamamayang Pilipino at hindi nito hahayaan ang China na arestuhin ang ating kababayan tulad ng ating mga mangingisda sa sarili nating exclusive economic zone (EEZ).
Mensahe ito ni Romualdez makaraang i-ulat ng South China Morning Post na binigyan umano ng kapangyarihan ng Chinese Government ang China Coast Guard na hulihin ang sinumang papasok sa binabantayan nitong teritoryo kasama ang pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Kaugnay nito, iginiit ng opisyal sa China na igalang ang Arbitral ruling, na kinikilala rin ng mga bansa sa mundo na nagsasabing ang Pilipinas ang may karapatan sa WPS.
Maging ang ibang mambabatas ay naglabas din ng kahalintulad na saloobin.