Kumikilos na rin ang Securities and Exchange Commission (SEC) para ipa-validate ang mga natatanggap nilang banta at paninira mula sa mga pinaniniwalaang miyembro at opisyal ng Kabus Padatoon (KAPA) investment group.
Ayon kay SEC Chairman Emilio Aquino sa exclusive interview ng Bombo Radyo, mula nang mag-isyu sila ng cease and desist order ay dumami na rin ang mga natatanggap nilang negatibong mensahe.
“Marami tayong natatanggap na mga paninira, eh ginagawa lang namin ang trabaho naming protektahan yung mga investor. We’re checking na rin kung sino yung mga nag-post about our office,” wika ni Aquino.
Nakisimpatiya rin ito sa dinaranas na harassment ng mga tauhan ng Bombo Radyo na pangunahing pumupuna sa KAPA at noon pa man ay nagsasabi nang iligal ang aktibidad ng nasabing organisasyon.
“Ang Bombo binanatan nila. Go continue your advocacy. Malawak ang reach ninyo at malaking bagay ito para sa mga kababayan natin hanggang overseas,” dagdag pa ni Aquino.
Muli naman itong nanawagan ng publiko na huwag magpalinlang sa mga investment scam.
Bilin ng opisyal, kapag masyadong emposible ang pangako, kagaya ng 30 percent na return of investment, malamang ay kalokohan ito at hindi dapat na tangkilikin.