LEGAZPI CITY – Todo bantay ngayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagkakaroon ng lahar flow sa bulkang Bulusan kasunod ng mga naitatalang pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay April Dominguiano ang resident volcanologist ng Bulusan Volcano Observatory (BVO), nagsasagawa na umano ng monitoring ang kanilang team sa mga ilog sa paanan ng bulkan upang mabilis na makapag-abiso sakaling magkaroon nga ng lahar flow.
Dahil kasi sa mga pag-ulan posible umanong dumausdos pababa ang mga volcanic materials na naipon sa taas ng bulkan sa nakalipas na dalawang pagsabog nito.
Payo naman ng ahensya sa mga residente na agad na lumikas sakaling maging kulay itim o abo ang ilog malapit sa kanilang lugar.
Sa ngayon, bagaman pinauwi na ang lahat ng mga evacuees, nananatili pa rin na nakataas ang Alert Level 1 sa bulkang Bulusan.