Tahasang tinawag ng isang political analyst na “exaggeration” ang banta ng Malacañang na puputulin na ang ugnayan ng Pilipinas at Canada dahil sa isyu ng basura.
Bago ito, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na malalagay umano sa alanganin ang relasyon ng dalawang bansa kung maantala pa lalo ang pagpapabalik sa Canada ng 50 container vans ng basura na ipinadala rito ng isang pribadong kompaniya noong 2013.
“The seventy years of diplomatic relations between the two countries will be put to naught if Canada will not act with dispatch and finality the resolution of this undiplomatic episode to which we take outrage,†saad ni Panelo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni UP Political Science professor Clarita Carlos, masasayang lamang daw ang 70 taong diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa sakaling totohanin ito ng gobyerno.
Dapat din umanong isaalang-alang ng pamahalaan ang pagiging matagal nang magkaalyado ng dalawang mga bansa.
Sa isa namang pahayag, siniguro ng Canadian Embassy na pinagsisikapan nilang masolusyonan ang problema sa pamamagitan ng paghahanap ng options para maisauli ang mga basura sa kanilang pinanggalingan.
Matatandaang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte ng giyera sa Canada kung hindi maibabalik sa kanilang bansa ang sandamakmak na mga basura sa lalong madaling panahon.