-- Advertisements --

Hindi pa rin inaalis ng state weather bureau ang banta ng storm surge o matataas na daluyong sa mga karagatang sakop ng northern Luzon dahil sa patuloy na pagragasa ng bagyong Marce.

Una itong itinaas ng naturang ahensiya nitong nakalipas na araw bago pa man ang pag-landfall ng bagyo.

Ngayong araw(Nov. 8), nananatili ang banta ng malalaking daluyong sa mga baybayin ng Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.

Pinaka-vulnerable sa banta nito ang mga residente na nasa mababang lugar at direktang nakaharap sa karagatang sakop ng mga naturang probinsya.

Nananatili rin ang gale warning sa Northern Luzon, at western seaboard ng Central Luzon. Mapanganib pa rin ang pagbiyahe para sa lahat ng mga sasakyang pandagat, anuman ang tonnage ng mga ito.

Ayon pa rin sa ahensiya, maaaring umabot din mula limang metro hanggang sampung metro ang taas ng mga daluyong sa karagatan, isa sa mga pangunahing banta, dulot ng bagyong Marce.