-- Advertisements --

Binalewala ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa ang banta ng Human Right Watch na maaaring mapatalsik nila ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) dahil sa human rights records nito.

Ayon kay Dela Rosa, okay lang na maalis ang Pilipinas sa council basta huwag lang manghimasok ang ibang bansa sa kung paano natin reresolbahin ang problema sa iligal na droga.

Aniya, hindi sya maaaring diktahan sa kung paanong “approach” ang dapat gawin ng bansa dahil independent tayo at hindi umaasa sa iba.

Banat pa ng PNP chief sa Europe at US, huwag magmalinis dahil sila rin ay maraming problemang kinakaharap pagdating sa human rights.

Una nang binalewala ng Malacanang ang naturang banta at sinabing wala silang nakikitang epekto nito sa ekonomiya ng bansa sakaling mangyari ang babala ng human rights group.

Binigyang-diin nila ang anti-drug war ng Duterte administration ay sang-ayon sa Konstitusyon, international at human rights treaties na pinasok ng Pilipinas.