-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Binalewala at hindi kinikilala ng mga mangingisdang Pinoy ang banta ng gobyerno ng China na aarestuhin ng China Coast Guard ang sinumang dayuhan na papasok sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon kay Leonardo Cuaresma, presidente ng New Masinloc Fisherman’s Association, may sarili silang batas na sinusunod dahil ang West Philippine Sea ay nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas kung kaya’t may karapatan silang pumasok sa karagatang pagmamay-ari ng bansa.

Patuloy silang pumapalaot at walang takot na naglalayag sa Bajo de Masinloc dahil pangingisda ang kanilang pinagkukunan ng kita na ibinubuhay sa kani-kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Cuaresma na malawak ang dagat at hindi lahat ay mabantayan ng China Coast Guard kaya pinapalakas na lamang nila ang kanilang loob at handang makipaglaban sa China Coast Guard dahil sa dagat ang kanilang kabuhayan.

Iginiit ni Cuaresma na wala silang nilalabag na batas kahit unti-unti na silang nalalagasan ng miyembrong mangingisda dahil sa hindi na ang mga ito pumapalaot dulot ng pagkalugi sa walang humpay na pagtaboy at pagbully ng China Coast Guard sa mga ito.

Sa katunayan aniya ay nasira na ang mga lamang dagat sa nasabing bahura dahil sa kagagawan ng China Coast Guard.