-- Advertisements --
bigas rice palengke

Hinimok ng rice price watchdog ang pamahalaan na bumili ng 20% hanggang 25% ng sariwang aning bigas ng mga magsasakang Pilipino bilang isa sa mga paraan para mapababa ang presyo ng nasabing produkto.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, ito ay napapanahon dahil inaasahang magsisimula ang anihan mula kalagitnaan ng buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre at dapat aniyang ibenta ito bilang subsidized rice para maging abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga palengke.

Ang mga subsidiya sa mga magsasaka aniya ang mabilis na solusyon ng pamahalaan sa ngayon maliban sa pag-atas sa mga magsasaka na ipagpatuloy ang pagtatanim ng palay para matustusan ang nawalang produksoyon dahil sa mga nagdaang bagyo.

Dapat din aniya na magbigay ng P50,000 sa mga magsasaka si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga pananim ay 100% na napinsala dahil sa mga bagyo.

Una ng sinabi ng Pangulo noong nakalipas na linggo na maigting na nakabantay ang pamahalaan sa presyo ng bigas na pumapalo sa P65 kada kilo sa ilang palengke sa Metro Manila.