-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ikinokonsidera ni Ms. Cathy Estavillo, ang Secretary ng Bantay Bigas ang pagbebenta ng 20 pesos kada kilo ng bigas sa Visayas ay pampabango lamang para sa gobyerno ngayong eleksyon.

Dapat aniyang ipatupad ng Department of Agriculture ang programa sa buong bansa dahil hindi maikakaila na dumarami ang mga Pilipinong nakararanas ng gutom.

Aniya, ang programang ito sa Administrasyong Marcos ay katulad ng mga naunang inilunsad na programa ng gobyerno na hindi nararamdaman ng karamihan sa mga Pilipino dahil napipili lamang ang mga nagiging benepisyaryo.

Kaugnay nito, hindi naniniwala si Estavillo na tatagal hanggang taong 2028 ang 20 pesos kada kilo ng bigas na ipapatupad ng gobyerno dahil limitado ang volume kaya kinukonsidera niya ito bilang isang band aid solution lamang.

Paliwanag niya ang pagpapatupad ng programa ay hindi maiiwasang magkaroon ng bahid ng pulitika habang papalapit ang halalan.

Dagdag pa niya, mahigpit nilang babantayan ang kalidad ng bigas na ibebenta sa halagang P20 kada kilo upang matiyak na maganda ang kalidad ng bibilhin ng mga Pilipino.

Una rito, inihayag ng Department of Agriculture na magsisimula ang pagpapatupad ng 20 pesos kada kilo ng bigas sa Mayo 1 sa bahagi ng Visayas.