BOMBO LAOAG – Bantay Bigas – Secretary, Hindi naniniwala na bababa ang presyo ng bigas sa 2025
Sinabi ni Ms. Cathy Estavillo, Kalihim ng Bantay Bigas, na hindi siya naniniwala sa anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang presyo ng bigas ay bababa sa 2025 gaya ng ipinangako nito noong nakaraang halalan.
Ayon sa kanya, dalawang taon nang hinihintay ng mga Pilipino sa pangako ni Marcos na bababa ng P20 ang presyo ng bigas mula nang maupo siya bilang pangulo ng bansa.
Aniya, ang Kadiwa Centers program ng gobyerno ay limitado lamang sa mga benepisyaryo tulad ng senior citizens, 4p’s members at persons with disabilities.
Sa kabila ng pagkakaroon ng nasabing programa, hindi maikakaila na hindi bumaba ang presyo ng bigas sa pampublikong pamilihan.
Aniya, isa sa nakikita niyang problema upang makamit ang murang presyo ng bigas ay dahil sa mga imported na bigas na inaangkat ng bansa kung saan ibinebenta ito sa murang halaga.
Kaugnay nito, isa sa mga magandang nakikita niyang pwedeng gawin ng gobyerno ay ang pagpapahinto sa pagbebenta at pag-import ng imported na bigas para makamit ang murang presyo nito.
Dagdag pa niya, maaaring matulungan ang mga magsasaka sa bansa sa pamamagitan ng National Food Administration kung saan pwedeng bilhin ng naturang administrasyon ang bigas sa presyong gusto ng mga magsasaka at ibebenta ito sa presyong gusto ng mga mamimili.
Samantala, naniniwala si Estavillo na kung susuportahan ng gobyerno ang mga magsasaka hinggil sa halaga ng produksyon, mabibili ang bigas sa mas murang halaga.